Graduation Speech (Filipino)

Sa atin pong panauhing pandangal at tagapagsalita, sa ating Schools Division Superintendent o kaniyang kinatawan, District Supervisor, sa ating punong-guro, sa lahat po ng aming minamahal na mga magulang na naririto, sa ating mga panauhin, mga guro at sa inyo, mga kapwa ko magsisipagpagtapos, isang makabuluhan at mapagpalang hapon po sa inyong lahat. Welcome to the 2015 44th Commencement Exercises.

Mag-aapat na taon na po nang magsimula akong maglabas-masok sa paaralang ito. Noong una’y naging mahirap po para sa akin na harapin ang mga hamon sa pag-aaral. Hindi po ganoon kadali ang mapabilang sa isang pangkat na itinuturing ng marami na nangunguna– Ang Special Science Class. Dito ko po naranasan ang tunay na pressure sa pag-aaral kung saan makailang ulit  ko na pong binalak sumuko at huwag ng magpatuloy sa landas na aming tinahak. Ngunit, dahil po sa aking mga magulang na inspirasyon ko po sa pag-aaral, nabuo po ang aking determinasyon na magpatuloy at magkaroon ng karunungan na tanging maipamamana po nila sa akin. Taos-puso po ang aking pasasalamat sa aking mga magulang na laging sumusuporta sa aking mga pangangailangan, sa araw-araw po ninyong pagtatrabaho, hindi po alintana ang pagod sa pagtitinda ng isda at pagkakarpintero. Ni minsa’y hindi ikinahiya ang pagtitinda ng isda at ipinagsisigawan ko po na dahil po dito, ako ngayo’y magtatapos. Marahil, ang salitang salamat ay kulang na kulang sa lahat po ng kanilang pagsisikap upang itaguyod ang aming pag-aaral. Maraming salamat po sa pagmamahal, salamat po sa suporta at pag-aaruga. Kayo po ang aking inspirasyon sa pag-aaral. At ang karangalan at tagumpay ko pong ito’y sa inyo ko po iniaalay.  Sa lahat din po ng mga magulang na naririto, maraming salamat po.

Sa amin pong mga naging guro at maging sa lahat po ng tagapag-hubog kaisipan sa aming Inang Paaralan, mula sa unang taon ng aming pag-aaral hanggang sa mga sandali pong ito ng aming buhay… nagpapasalamat po ako sa bawat butil ng karunungan na inyong ipinunla sa aking murang isipan. Asahan po ninyong ang butil na ito ay magiging isang halaman pagdating ng panahon, lalaki at lalago hanggang sa yumabong at mamunga.  Higit din po sa lahat, maraming salamat po sa mga gurong naniniwala sa aking kakayahan  at buong dedikasyon sa propesyon na kanilang sinumpaan, maraming salamat po mga Ma’am at Sir sa inyo pong tiwala at pagmamahal na nadarama kong lubos magpahanggang sa mga sandali pong ito. Kayo po ang naging lakas ko kasabay ng pagtitiwala ko sa aking sarili. Kayo po ang nagturo sa akin na kung hindi tayo maniniwala sa ating sarili, sino pa ang magtitiwala sa atin? Kayo po ang nagpamulat sa akin ng ganap na kahulugan ng edukasyon. Ayon nga po kay Aristotle, “Educating the mind without educating the heart is no education at all”. Nang dahil po dito, naniniwala po akong, ako ay nagawa po ninyong hubugin ng naaayon sa ating core values. Isang mag-aaral na MAKADIYOS, MAKAKALIKASAN, MAKATAO  at MAKABANSA. Kalakip po dito ang katangiang MAKATARUNGAN sa lahat ng aspeto ng buhay. Salamat po sa pagtuturo na ang karangalan ay hindi sukatan sa tagumpay ng isang tao, hindi salamin ng kanyang pagkatao at lalong hindi maaalaala sa kabilang buhay.  Katulad po ng natutunan ko sa aming aralin noon, na bagkus magmukmok at maging malungkot bakit hindi natin gamiting tuntungan ang mga kabiguan sa buhay tungo sa pagtatagumpay. Ito po ang tunay na diwa ng isang pag-aaral.

Nais ko rin pong pasalamatan ang aking mga kamag-aral na kasakasama ko sa bawat sandali, sa saya at lungkot sa apat na sulok ng aming silid-aralan. Salamat sa pagbibigay ng papel, pagpapahiram ng ballpen sa mga oras ng aking mga pangangailangan.

Ngayon po ang araw ng ating pagtatapos, ngunit hindi po dito nagtatapos ang lahat. Ito pa lamang ang simula ng ating higit na seryosong pag-aaral – Ang Kolehiyo. Sa inyo po, mga kapwa ko magsisipagtapos nawa’y ipagpatuloy natin ang ating magandang nasimulan. Ipagpatuloy ang lalong higit na mabuting pagtataglay ng mga gintong butil ng karunungan. Gayunpaman, nais ko pong bigyang diin ang tinuran ni GAT JOSE RIZAL sa akdang El Filibusterismo na ang “karunungan ay hindi siyang hantungan ng isang tao” Matapos nating makamit ang ating mga minimithing kaalaman at kasanayan, marapat lamang po natin itong isabuhay at bigyang katuparan; na ang karunungan ay hindi sapat kung walang pagsusumikap at paggawa. Tayo ang sinasabing pag-asa ng ating bayan. Tulad po ng sinabi ni Rafael Palma, “Sa bisa ng diwang naguugnay sa kanya at sa atin, ay may karapatan tayong maniwalang bawa’t Pilipino’y maaaring maging isang Rizal, at ano pa mang mithiin na kanyang natamo ay matatamo rin natin, pagka’t may kakayahan at lakas tayo upang maisagawa ito, kapag tayo’y gumamit ng pagpupunyagi, pamamaraan at kataim-timang-loob sa tungkulin na kagaya ng kaniyang ipinamalas sa lalong mahalagang gawain sa kaniyang buhay”. Mga kapwa ko magsisipagtapos at sa lahat po ng naririto, Magtiwala lamang tayo na ang bawat isa ay magagawang maging isang tunay na Rizal na buong pusong iniaalay ang sarili para sa ikasusulong ng kabutihang panlahat, tapat sa kaniyang sinumpaang tungkulin, walang kinikilingan at bukas ang kaisipan sa maling sistema at pamamalakad.  Na ang bawat isa sa atin ngayon na magsisipagtapos ay kinakailangang maniwala na tayo ay makagagawa ng natatanging kontribusyon sa ating lipunan. “Think not of  what your country can do to you but think of what we can do to our country”. Idagdag ko pa po dito ang pagkakawang-gawa at pampublikong paglilingkod. Sa pamamagitan nito, makakamit natin ang adhikain ng kagawaran na ang edukasyon ang solusyon at katapatan ang pinakamabisang polisiya ng pagtatagumpay. Ito po ang tunay na diwa na ating tema sa araw na ito ng ating pagtatapos “Saktong Buhay: Sa De-Kalidad na Edukasyong Pinanday”.

Higit po sa lahat, ang mga bagay na akin na pong napagtagumpayan, ang lahat po ng mga biyaya at mga karangalang aking natamo ay buong dedikasyon ko pong iniaalay at ipinagpapasalamat sa Poong Lumikha. Siya po ang nagkakaloob ng pang-araw araw na kalakasan ng ating mga magulang upang makapagtrabaho. Sa Kaniya po nagmumula ang lahat ng ating karunungan na ibinabahagi naman po sa atin ng ating mga guro. Sa bawat araw ko pong paggising, hindi ko nakakalimutang Diyos ang unang batiin. Higit po sa aking pagkatuto at paggawa, Diyos ang una sa lahat.

Maraming salamat po at Maligayang Pagtatapos!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s