BONIFACIO: Ang Unang Pangulo

A tribute to the Supreme and Great Founder of Katipunan GAT Andres Bonifacio. Let us all get to know him better because we might have mistaken the way we look him up before. This essay served as the publisher’s entry in the 2015 National Essay Writing Contest initiated and conducted by Mt. Tapulao Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines.


Photo of 1999 Philippine stamp depicting the Supremo of the Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan

“Ang ating patutunguha’y isang lugar na kung saan hindi kikilos ang mga dahon ng walang kumpas ng Panginoong Diyos.”

Sa isang kasaysayan na hinubog ng katapangan at paghahangad ng kalaayaang maisulong sa pagtatagumpay, ang ating salinlahi ang nauuna.

Saksi dito ang isang alamat na hindi langid sa isipan ng lahat. Isang alamat na bagama’t unti unting naglalaho sa pagsibol ng isang bagong kabihasnan na animo’y napakabangong rosas noon ngunit ni tinik at bakas nito’y hindi na masilayan pa, ang alamat ni Bernardo Carpio.

Ang espirito ni Bernardo Carpio ay matatagpuan at patuloy na nananahan sa isang mahiwagang bundok, sa loob ng isang madilim na kweba, sa isang lugar na walang sinuman ang mangangahas makarating. Sa kwebang iyon mararamdaman ang kaniyang pambihirang lakas lalo na tuwing sasapit ang Biyernes Santo. Sanggol pa lamang si Carpio ay kaya na niyang bunutin ang mga pako sa kanilang bahay. Hanggang sa siya’y magbinata, nakatagpo siya ng isang kabayo na noo’y naghihingalo sa kamatayan. Nang ito’y kaniyang hawakan, bigla itong lumakas at gumaling. Magmula noon, ang kabayo ay naging kaibigan ni Carpio at pinangalanan niya itong Hagibis. Si Bernardo Carpio at ang kaniyang kabayo ay naging tagapagtanggol ng bayan.

Ang alamat na ito ni Bernardo Carpio kailanman ay hindi makakalimutan. Ang kwento ng kanyang katapangan at pagsasakripisyo para sa bayan ay patuloy na mag-aalab hanggang sa makamit natin ang tunay na kalayaan.

Bernardo Carpio as depicted by Filipino painters and illustrators in the Philippine Folklore. PHOTO: en.wikipedia.org

Ang kaniyang katapangan ang naging sandigan niya at ng mga mamamayan upang bumuo ng pag-aaklas laban sa mga Kastila. Ngunit ang kanilang pagtatagumpay noong una ay napalitan ng mga sumunod na kaganapan… Humingi ng tulong ang mga prayle sa isang higante upang labanan si Carpio. Sinukol ng higante si Carpio sa dalawang nag-uuntugang bato, hanggang ngayon ay nagpipilit pa rin siyang kumawala sa dalawang naguumpugang bato, at sa tuwing siya’y kumikilos, nararamdaman natin ang pagyanig ng mundo.

Higit sa isang alamat, ang katotohanan ay mayroon din nito. Nagsimula ang lahat sa bayan ng Tondo, Maynila kung saan isinilang ang Dakilang Ama ng Rebolusyong Pilipino – GAT Andres Bonifacio.

Marami na tayong nababasa at naririnig tungkol sa kanya ngunit hindi natin lubos maunawaan kung bakit ang isang tao na nagbuwis ng kaniyang buhay para sa bayan ay tinatawag na traydor, isang nilalang na pinaratangan bilang kalaban ng pamahalaan. Makatuwiran bang sabihin ang ganitong bagay? Tatanggapin na lamang ba natin ang mapait na katotohanang ipinalunok sa atin magmula kamusmusan na inihahain sa hapag ng kasaysayan? Sapat na marahil ang may malawak na pag-iisip upang maunawaan at sagutin ang mga katanungang ito.

Ang Kagalang-galang Andres Bonifacio ang siyang sentro kung saan ibinuhos ng marami ang kanilang paghanga at taos pusong pagbibigay pugay sa Dakilang Ama ng Kagalang-galangang Kataas-taasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) at gayundin naman, siya na sinasabing tunay na unang Pangulo ng ating Republika.

Hindi alintana para sa isang murang kaisipan na mamulat sa isang bayang alipin ng pangamba at pananamantala. Ang pag-aalab ng puso noon ay tunay na namumutawi tulad ng isang siga na kapag nahipan ng hangin at nadala ng simoy nito ang mumunting mga baga ay maaaring makasira ng anumang anyo o di kaya’y magdulot ng sunog na tanging tubig lamang ang makapipigil.

Si Gat Andres Bonifacio, na noo’y nakikipagsapalaran sa mundong nababalot ng pangamba, ay naging bukas sa katotohanan ng ilang taong panghihimasok ng Espanya sa ating lupang tinubuan. Bata pa lamang siya ay kakikitaan na  ng kakaibang lakas ng loob upang bunutin ang mga pako, tinik at pasakit sa ating bansa. Siya na kumakatawan sa ispirito ni Bernardo Carpio.

Matapos na hindi magtagumpay ang La Liga Filipina na buong pag-asang itinatag ni Gat Jose Rizal bilang pagsusulong ng mga reporma at hinaing ng bawat mamamayan, nabuo ang panibagong pag-aaklas laban sa pamahalaan. Ito ang simula sa pagsiklab ng isang rebolusyon at pagkakatatag ng nagkakaisang kilusan, ang Kataas-taasang Katipunan. Sa kabila ng katapangan na ipinamalas ni Gat Andres Bonifacio bilang Ama at Supremo ng samahan, siya ay isang mapagmahal na anak at kapatid sa kanilang pamilya. Ang paghahangad niya na mapabuti ang kaniyang mga nakababatang kapatid na babae at lalaki ay katumbas ng dakilang mithiin niya para sa Inang Bayang Pilipinas. Siya na may natatanging katapangan na naroon din sa puso at isipan ni Bernardo Carpio. Sila na mayroong iisang tunguhin para sa bayan, sila na mayroong lakas ng loob sa pagharap at pakikipaglaban sa kalupitan at pang-aabuso ng mga prayle , si Andres Bonifacio at Bernardo Carpio na nagkakaisa at may iisang katauhan. Sumasalamin sa kaniyang pagkamakabayan bilang isang ganap na mandirigma.

Ang isang pakikibaka  na nabuo sa kapangyarihan ng pluma at balahibong panulat ay maaaring mauwi sa madugong labanan, sa oras na ang mundo’y lumakad ng pabaligtad. Sa kabila nito, si Andres Bonifacio na mayroong likas na katapangan at damdaming nagaalab sa katarungan ay nagtataglay din ng pusong tapat, busilak at mapagmahal.  Siya na may angking pagtingin sa kanyang pinakamamahal na kasintahan at  Lakambini ng Katipunan, Gregoria de Jesus. Ang kanilang katapangan at kapwa pakikipaglaban sa mga Kastila ang siyang patotoo sa isang tapat na pagsasama, hindi makasarili at lalong higit na matibay. Hindi alintana ang pangamba na masupil ng kaaway, para sa kalayaan ng bayan kanilang itataya ang lahat maging ang pamilya. Si Andres Bonifacio bilang mangingibig, si Bernardo Carpio at ang kaniyang kabayo na magkatuwang para sa kalayaan.

Sa bayang busabos ng lugami at lungkot walang ibang higit na dakila kundi ang pagtatamasa ng kalayaan. Ito ay maihahalintulad sa isang magsasaka na nagnanasa na bumuhos ang isang malakas na ulan para sa kaniyang mga binhing itinanim. Datapwat, mamumunga kaya ang isang halaman na hindi man lamang nabiyayaan ng gapatak na tubig bilang pamatid-uhaw? Dili kaya’y hindi kinasisiyahan ng Diyos. Kung ang nais ay kalayaan, Diyos ang dapat maging patnubay. Si Andres Bonifacio ay kakikitaan ng anyong may mataas na pagtingin at lubos na pag-ibig sa Maykapal. Sa mga katipunero at kapwa niya mason, una ang Diyos sa lahat. Ang pagdanak ng dugo kahit na isang kasalanang maituturing ay lalong higit na marangal kaysa  masahol pa sa baboy na hindi makataong paggawa.  Bukod dito, ang naging kabiguan ni Bonifacio sa pangungulila niya sa kaniyang anak na hindi man lamang nasilayan ang kalayaan na kanilang ipinaglalaban, ay tanging Diyos lamang ang ipinalalagay niya na nakakaalam. Kung bakit niya iyon naranasan sa kabila ng isang mabuting adhikain para sa bayan. Siya ang Supremo na buong kababaang-loob na kumakapit sa Diyos, ang kaniyang patnubay sa araw at gabi hanggang katapusan.

gat2bandress2bbonifacio
The Great Founder of the Katipunan Movement Supremo Andres Bonifacio. PHOTO: philnews.ph

Si Bernardo Carpio na naiipit sa dalawang nag-uuntugang bato matapos ibulid sa kamatayan ng kaniyang kapwa may ipinaglalaban. Sa kabila ng pagpasan ni Bonifacio sa napakabigat na responsibilidad bilang Supremo at lider ng rebolusyon, siya ay walang pakundangang niyurakan at ang masakit pa’y hatulan ng kamatayan. Siya na ipinagpalagay bilang traydor gayong nagsasabi ng katotohanan. Si Bonifacio na pinagkaisahan ng mga prayle at ng higanteng dumating upang siya’y gambalain. Sa paghahangad niyang makaalis sa dalawang mekanismo ng kasamaan patuloy na nagigimbal at yumayanig ang sangkatauhan hanggang sa dumating ang panahon na siya’y magkaroon ng pagkakataon upang maipakilala ang katotohan sa kasalukuyan. Ito ang ipinahihiwatig ng alamat ni Carpio at ng Higante, si Bonifacio at ang kaniyang katunggali.

Malinaw pa sa tubig ng batisan at lumiliwanag tulad ng kristal ang bagay na ipinagkait sa Supremo bilang kauna-unahang pangulo. Ang sedula ay simbolo ng pagkaalipin ng bansa buhat sa bakal na kamay at pusong walang pag-ibig ng mga Kastila. Dahil sa kaganapang tumatak sa Pugadlawin, nagwakas ang lahat. Sa pagkakapunit ng sedula, natapos na ang pang-aalipin ng mga prayle at napasinayaan ang bagong Pamahalaan ng mga  Pilipino. Dito, si Andres Bonifacio ang naging unang Pangulo ng Republika.

Malayo-layo na ang ating narating, marami na ang nagbago at patuloy na humaharap sa mga pagbabagong inihahain sa hapag ng mamamayan. Ang katotohan na naudlot noong una ngayon ay atin ng binabalikan. Ang Ama ng Rebolusyong Pilipino at Unang Pangulo ng Pilipinas ay nararapat lamang bigyan ng mataas na pagtingin katulad ng ating mga magulang, ama, ina at mga kapatid higit pa sa isang pinuno ng pamahalaan. Mahalagang makilala natin siya ng lubusan upang maunawaan natin ang nakaraan, kasalukuyan at ang hinaharap. Ang mga pagpapahalagang ibinahagi at nais ipahiwatig sa atin ng Supremo ay dapat nating mabatid, gayon din nama’y tularan ng lahat. Hindi ba lalong dakila ang isang tao na may pagmamahal sa kaniyang lupang tinubuan, handang magbuwis ng buhay para sa bayan, isang mapagmahal na kapatid at anak, isang huwarang ama at isang tapat na mangingibig? Hindi ba’t wala ng hihigit pa sa katapangan na mag-alay ng lahat para sa ikapapanatag ng loob, para sa kalayaan na kakamtin ng susunod pang mga henerasyon? Lalong higit na dakila ang mamatay para sa bayan.

Ang kasaysayan ay maaaring maulit kung nanaisin. Tanging Diyos lamang ang nakakaalam ngunit tayo ang kasangkapan sa mundong ating ginagalawan. Kung maibabalik lamang ang nakaraan nais kong iwaksi ang isang mapait na pagkakamali, ang katotohanan ay mahalaga nating malaman at si Gat  Andres Bonifacio ay dapat nating makilala. Sa tanang kinapal siya’y bukod tanging naiiba. Dahil sa kaniya, ang pag-ibig sa kalayaan ay patuloy na magaalab.

Sa pagkumpas ng mga dahon na nagbibigay buhay sa sangkatauhan at sa pagiibayo ng mga ibon sa himpapawid, makikita ang kalayaang ipinapalagay natin. Na kung saan nagtapos ang lahat sa isang nakaririmariw na wakas, nasasakluban ng mga ulap sa kalanggitan na parang alpombrang nakalatag sa ibabang bahagi nito.  Masalimuot mang isipin ngunit higit na dakila ang kaniyang pagmamahal para sa lupang tinubuan. Higit pa sa isang pagkilala.

Ngunit, nararamtan ang araw ng madilim na katotohanan, ang libingan ng ating mga bayani tila baga’y nabaon na sa limot ng kahapon. Ngayon na ang mundo ay patuloy sa paggalaw, makakamit pa kaya natin ang tunay na kalaayan?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s